16.9.14

Sulyap

Mga sulyap na panakaw, kalahating segundong habambuhay ang saklaw
Ang minsanang pagtatagpo ng ating mga mata, naulit nang naulit nang naulit
Hanggang sa pareho tayong hilahin pabalik sa kani-kaniya nating nakaraan.

Mga sulyap na ga-liham ang ibig ihatid kahit pa, ibibigay sabay babawiin ang
Tingin ––wari’ y nagugulumihanan; parang mga langgam na naligaw sa pila
Nagbanggaan na’ng mga mata’y hindi pa rin makakita. Lilihis, tutuwid, lilihis

Patungo sa mga alaala ––tanikalang kahit walang kandado’y mahigpit kumapit,
Sumasabit-sabit, madalas. Kung magbabalik, bakit? Kung magbabago, takot.
Pilit nagpupumiglas at nang nakawala’y tumatakbo namang paurong

Habang sa’yo nakapaling ang aking paningin. Marahil sa kadahilanang
Ikaw na ngayon, sana. Ikaw na ngayon, sana wala nang pero-pero; Totoo’t
Walang bahid ng alak, kagaguhan –puta. ‘Di sumagi sa isip na magiging ikaw

Sa katunaya’y ‘di ko pinlanong maipako ka sa ’king balintataw ngunit
Panahon ang pumili kung sino at kailan; o nagkataon lamang bang
Ang malabo at malabo, kapag pinagsama ay nagiging malinaw? Teka

Akala ko tingin ko’y deretso, baluktot lang pala ang aking ulo.
Ang malabo at malabo, nilulunasan dapat ng salamin; o hayaang
Masanay sa dilim hanggang sa matutong makiramdam, siguro

Ang mga sulyap ay galing sa malalabong mata, mga sulyap na natuloy sa pag-
bigkis ng mga daliring kalyado na’t nanginginig kahit sa kapaslitan. Oo, hindi, pwedeng
Isa kang malaking tandang pananong, ikaw at ang mga sulyap na natuloy sa--

Pagsisisi’t pinagkibit-balikat ko lamang ang sana’y sinabi ko na lang; mahirap
Rin palang lumagay sa tahimik lalo na’t parehong malabo ang ating mata ngunit
Hindi mapigilan ang pagsulyap, naulit nang naulit nang naulit hanggang

Hindi ko na matandaan kung paano natapos ang halik; ang alam ko lang ay
Kung paano ito nagsimula. Susulong nang kaunti, maghihintay. Magdadalwang
Isip. Pero mangyayari lamang ang dapat mangyari kung tatapangan mong subukan at

Kung gugustuhin mong lubos. Isa lang naman ang sagot sa ‘bakit hindi?’. Isa
ka ngang malaking tandang pananong, pati ako ––lahat tayo; pero pakatatandaang
meron nang lunas sa malabong pantanaw, at asahang ako’y mag-aabang sa paglinaw

Ng mga sulyap na panakaw, at sa kalahating segundong habambuhay ang saklaw.
Ang minsanang pagtatagpo ng ating mga mata, sana’y maulit nang maulit nang maulit
Hanggang kuwit ay maging tuldok at sabay nating malunok ang ating kahapon.

9.9.14

Tanong

Puso, kumpleto ang
tibok hanggang
dumating ka.
Magiging kulang ng isa.
Lagi na lang.

Oras na bang
sabihin kong mahal-
aga ka sa akin?

Ala-alangan.
Kapa-kapaan.
Duwag-duwagan.
Buntong-hiningang
puno ng
Kahulugan.

Tumingin ka sa akin at
tumingin kang muli.
Baka naman sa ikalawang
pagkakataon ay maging
Tama na

O mananatili ka
na lamang bang
Imaheng pambungad
sa tabing ng aking telepono?