18.6.13

Dito, Sa Dalampasigan

                                                    Dito, sa dalampasigan                                                     
Sa gaslaw ng mga alon,
Sino bang makasasalba?
Buhangin na walang pagkikimkim
Dagat na walang pagpapatawad
Ako, na wala nang magagawa.

Dito, sa dalampasigan
Aking pinagmasdan
Bakas ng iyong mga paa
Sa buhangin.
Mga butil ay unti-unting
Tinatangay ng mga alon.
At maya-maya pa’y maglalaho na
Ang mga bakas na sa paglisa’y
Dala na rin ang iyong mga ala-ala.
Anong puwang nitong marka
Kung ang dagat at buhangi’y
Sadyang pinag-isa?
Anong silbi ng mga ala-ala
Kung ibabaon lang rin naman ito
At hahayaang agawin ng dagat
Sa buhanging walang pagkikimkim,
Sa buhanging walang pakialam?
Gaya ng pagbaon mo
Sa ala-ala ng iyong mga pangako.
Gaya ng iyong hinayaang
Anurin na rin ang aking tiwala.
Buhagin nga’y walang kinikimkim.
Tulad mo.

Dito, sa dalampasigan
Sa aking pagtanaw
Sa tuluyang pagtatagpo
Ng langit at ng dagat
Sa dako paroon,
Itong walang hanggang kumot ng asul
Na siyang nagsisilbing
Panangga sa dagok ng aking damdamin
Ang siya ring sumugpo sa talang kahel
Hanggang sa ang init nito’y maglaho,
Hanggang sa ang liwanang nito’y
Magmistulan nang abo.
Gaya ng iyong pagpundi
Sa liwanang ng aking mga mata.
Gaya ng iyong pagkitil
Sa aking pag-ibig
Na kani-kanina’y nag-aalab pa.
Dagat nga’y walang pagpapatawad.
Tulad mo.

Dito, sa dalampasigan
Nag-aamok ang hangin
Binubunyag ang sikreto
Dala-dala ang katotohanan.
Aking naulinigan, pagtangis ng hangin—
Ang tangi kong kakampi,
Sinasampal ang aking kaluluwa.

Dito, sa dalampasigan
Nahihiyang dumungaw ang mga bitwin
Sa kalangitang nagdadamot ng liwanag.
Gaya ng pagdadamot mo ng kaliwanagan.
Gaya ng pagtatago mo ng katotohanan.

Dito, sa dalampasigan
Sa bagsik ng tadhana,
Sa pagguhit ng luha,
Sa gaslaw ng mga alon...
Ni ang aking sarili
Ay hindi ko naisalba.
Ano nga bang magagawa?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento