Aling kulay sa bahaghari
Ang pinakapaborito mo?
Ihahanda ko ang palete.
Pipintahan ko ang mundo.
Saan ka ba liligaya?
Hahanapin ko.
Kay hinhin ng dagat.
Sa pagpitik ng alon,
Pabugso-bugsong lagaslas.
Napapangiti ang mga ulap,
Kakadilat lang ng araw.
Sagana ang mundo sa kulay
Sa tuwing lilipas ang ulan.
Halika, panoorin natin.
Nasaan ka na ba?
Sasalubungin kita ng ngiti,
Sabik na akong mayakap ka.
Walang araw na ika’y nawaglit sa aking
gunita.
Muli’t muli, mayamaya pa’y
Magbibigkis na ang ating mga palad.
Subalit muli’t muli, mayamaya ri’y
Mag-aagaw buhay na ang bahaghari.
Gumising ka na.
Nilisan na ng pantig,
Mga pintig ng lalamunan.
Dila ko’y ginagapi ng iyong mga mata.
Hindi lang luha ang may karapatang gumuhit,
Sa ating mga mukha.
Mga koloreteng mapag-anyo.
Di ko na mawari ang totoong samyo
Ng iyong pagkatao.
Darating ka pa kaya?
Nagbabadya na ang dilim.
Binabawi na niya ang aking bahaghari.
Ating, bahaghari.
Nagngangalit nang maglaho.
Narito pa rin ako, sa kabila ng lahat.
Dito ako maligaya.
Ano na kayang nangyari sa iyo?
Nakatagpo ka na ba ng ikaliligaya?
Ngunit, ikaw pa rin ang ligaya ko.
Ang lumisa’y magbabalik din,
Ang lumisa’y maaaring mapalitan.
Hindi na ako umaasang magbabalik ka pa.
Iniiwasan ko lang isiping baka hindi na.
Ngunit sa muling pagluha ng langit,
Mabubuhay ang lupa
Na biniyak ng araw.
Mga daho’y hahayahay,
Tatahan na ang hangin.
Ang pinakahihintay kong bahaghari.
Sa wakas.