21.8.13

MAKATArungan

Ito na lang ang natira sa akin
--pintig ng mga pantig na bunga ng iyong kawalan.
At sa pagdungaw ng mga tala,
Alaala mo’y nanunuot sa kanilang kariktan.

Idinuduyan ka ng gabi pabalik sa akin
Habang kasiping ko ang kuwaderno.
Malamig na kayakap ang hangin
Halintulad sa iyo.

Pinunan itong patlang ng aking pangungulila,
Pinunan itong gabi ng paghahanap sa wala.
Piringan ang pusong pilit umiigtad, hanggang
Mga pahina na lang, sa iyo, ang nakakikilala.

At habang ang papel ay hindi pumapalag,
Inaabuso ito ng nagdurugong panulat.
Kalyado na ang kamay ng pusong makata,
Ngunit sandali pa’y hihinga na ang mga salita.

Sa mga gabing nanganganak ang kalungkutan
Ng mga bantog na manunulat,
Asawa niya’y kabiguan,
Komadronang pag-ibig na salat.

Sa gabi ng mga bigong makata,
Sa pagbagabag mo sa aking gunita,
Aagos at raragasa ang sakit sa bawat impit.
Aagos at raragasa ang tibok ng mga salita.

Pagkat nag-alay ng dugo ang dakilang panulat,
Alang-alang sa pagkabuhay nitong mga titik.
Hindi na humihinga ang bigong makata.
Patay na ngunit buhay pa rin.

2.8.13

Sa Totoo Lang


Sa Totoo Lang...

Masakit sa tenga
Ang katahimikan.
Kapag binasag mo naman,
Masakit sa puso.

Mga salitang
Sapat na ang talim
Upang hiwain ang kawalan
Ng kasagutan sa mga tanong.
May tinatago,
May ibinubunyag.
Magkatulad lang sila.
Parehong nakakasakit.

Maraming sinasabi
Wala namang kwenta.
Maraming may kwenta
Ang hindi nasasabi.

Hindi lahat ng tao
Ay nabubuhay sa talinhaga.

Katahimika’y ibinubunyag
Ng binubunyag nitong katahimikan.
Maingay, tahimik.
Tahimik, maingay.
Walang masasaktan, ah.
Pare-pareho lang kayong mga hibang
Sa palagay ko.