29.5.15

Yugtong Alanganin

 Hinahanap-hanap kita, ikaw na siyang pinuno ng aking puso, ang siyang pumupuno sa aking utak. Hindi ko na nauulinigan ang mga tawa mong nakagiginhawa sa alinsangan ng gabi. Kapag tila ang umaga’y ang bungad kay saklap, mabasa lamang ang ‘yong bati’y ako ay handa nang humarap. Sa’yo nagmumula ang ngiti tuwing ligaya’y kay ilap. Kung ikaw ma’y aking ipagdurusa, ito’y akin na ring galak.

Pinananabikan kita, ikaw na siyang pumupukaw hanggang sa kadulu-duluhan ng  aking haraya. Sabihin mo lamang na ikaw pa ri’y nariyan at ako’y tatahan na.  Ikaw lamang ang paglalaanan ng kahuli-hulihan kong tinta, at pangungulila kong lulan ng mga natitirang pahina. Ikaw ang panaginip bago matapos ang gabi. Sa larawan na lamang kaya kita makakatabi? Dahil tila yata ang damdami’y nanganganib nang mawala. Dito lang ba matatapos, masaya nating simula? Ngunit sakaling ang oras ma’y dumating na napawi na sa iyo ang init ng aking halik at hindi mo na ako halos matitigan sa mata, sakaling hindi ko na mapaalala sa iyo ang tamis ng ating pagsinta, sana... sana ako man ay handa na ring limutin ka.


13.5.15

Salamisim

Sino ka ba talaga? Interesado akong malaman. Dahil wala man lang aba-abalang magbigay ng babala ang panahon. Pagdungaw ko, ika’y nandiyan. Matapos, ang puwang nga’y bastang napunan. At kapag hindi na mahagilap ng paningin ang ngiti mong nananatili sa aking mga mata, umiikot naman ang aking sikmura tuwing naaalala ka. Sabi ko sa sarili’y huwag mabulag sa liwanag ng entablado ngunit di nakinikinitang ako’y masisilaw pala sa kislap ng mga mata mo. Ang tanghalan nga’y mapalamuti ngunit mas makulay pa rin ang liwanag ng iyong mga ngiti.

Sino ka ba talaga? Interesado akong malaman. Dahil wari’y biglang naalimpungatan ang batang mangingibig sa malalim niyang pagkakahimbing. Bakit kaya nakakagising ang pasagi-saging nating pagtingin? Lalo na kapag nagkataon ay mapapatitig ng saglit. Ngingiti ka, mapapangiti ako. At titigil ang puso sa pagtibok. O di kaya’y makikikanta sa mga nagsasabayang tagahangang matwang nag-aamok. Nawala ang lumbay. Nabuhay ang pulso. Sabay nagdalawang isip at napakamot sa hindi makati. Naloko na.

Pero sino ka nga talaga? Interesado akong malaman. Paborito kitang tanawin sa aking gawing kanan, higit pa sa mga nahuhumaling na manonood. Sino ka ba talaga? Baka sakaling pwede kong malaman. Hindi kita hinanap ngunit bakit kita natagpuan? Baka sakaling may rason. Baka sakaling wala. Baka sakaling magkasundo tayo, baka sakaling hindi. Pero hindi ako nagbabakasakaling mali. May dahilan kung bakit pwede ngunit mas maraming dahilan kung bakit hindi, kung bakit mali. At kung ibibigay ko man sa iyo ang puso ko, malamang ang kalahati nito’y basag na.

Sino ka ba talaga? Malalaman ko pa kaya? Masarap pa sanang magliwaliw sa gitna ng kabalintunaang ito ngunit heto na tayo sa huling awit. Narito na ako sa huling pagsulyap ng iyong mga ngiti. Tanging masaklap lamang ang paalam kapag tunay na nalasap ang magagandang gunita, at isa ito sa mga iyon. At sa natitira pang kumpas ng kamay ng orasan, ipapako ko na sa’yo ang aking paningin dahil wala tayong lugar sa hinaharap, ikaw at ako. Sa huli nating pagyukod sa harap ng mga tagapakinig, sasara ang kurtina. Tatalikod ako sa’yo. Dilim. Pero malay mo bukas sa aking paggising ay babalikan kita... ngunit doon na lamang sa salamin ng aking salamisim. Paano ba’t salamat na lang sa dalawang matatamis na araw ng pagtatanghal. Iiwan ko ang puso ko sa entablado pagkatapos nitong palabas at bibitbitin kita sa aking mga alaala.

Ikaw, ikaw ang siyang aking salamisim.