5.6.15

Pormalin

Isang oras mahigit na akong naglalakad sa highway. Biglang may tumawag na kaibigan.

“Batch, saan ka?”
“Sa highway, naglalakad.”
“Sino’ng kasama mo?”
“Wala.”
“Ano’ng ginagawa mo diyan?”
“Wala, naglalakad lang.”

Gusto niyang samahan ko siya. Sabi ko magkita na lang kami sa kanto. Alas diyes daw, sabi niya. Um-oo ako. Binaba ko ang tawag sabay nakita ko ang hinahanap ko. Sa kabilang kalsada, may mga tambay na lalaki. Mga menor de edad. Kinausap ko sila.

“Nagtitinda po ba kayo ng formalin?”
“Formalin?” sabi ng isang nakapulang sando. Nagtuturuan pa sila.
“Sige na, pagbentahan mo na. Pangyosi natin,” bulong ng isa.

Apat sila doon. Pirmeng nagpapalipas lang ng gabi habang nakaupo sa halos sira-sira’t magaspang na mga monoblock. Nabulabog ko yata ang pagtambay nila.

“Sige po, tignan ko lang po sa loob,” sagot sa akin ng nakapulang sando sabay kinuha sa akin ang dala kong basyo ng mineral water.
“Kahit kalahati lang!” pahabol ko. Dalawa silang pumasok sa morge. Naiwan ako kasama ang natira pang dalawa.

“Saan niyo po gagamitin?” Tinanong ako bigla ng isa. Nakasuot siya ng puting tshirt.
“Ah... may project kasi ako. Dissection.” Hindi niya inalis ang tingin niya sa akin. Nakanganga siya, hindi ko malaman kung namamangha ba o ‘di lang ako maintindihan.
“Ng mga hayop po?” Ah, naintindihan naman pala niya.
“Mmm.. Insekto.”

Tao sana ang trip kong isagot pero baka lalo lang siyang mawirduhan sa akin. “Magkano pala?” tanong ko sa dalawa kong kasama.

“’Di ko po alam sa kanila eh. Kayo na po bahala,” sabi ng isa.
“Sampung piso, pwede na ba? May panukli ba kayo sa bente?”

Last money ko na kasi ‘yun, sagad na. Pero tangina. Ano ba naman ang bente pesos na bayad para sa isang bagay na hinanap ko ng kay tagal? Isa pa, malay ko ba kung mahal pala talaga yun? Edi nalugi pa itong mga binatilyo na kumupit na nga lang sa drum na puno ng formalin.

‘Di nagtagal ay lumabas na ang dalawa pang formalin boys. Puno na rin ang basyo kong kanina’y walang laman.

“Magkano kaya ‘to?”, tinanong ko sila ulit.

“Kayo na po bahala.”

Binigay ko ang benteng buo. May yosi silang lahat, may formalin ako. Pare-pareho kaming masaya. Habang naglalakad ako pauwi dahil wala na akong pamasahe, saka lang ako napaisip. Biruin mo? Bente pesos lang pala ang kapalit ng buhay ko.

Natawa ako sa kabalintunaan ng mga bagay-bagay. Walang kaalam-alam ang mga batang iyon na sa simpleng kagustuhan nilang magbisyo, may isang malagim na planong matutupad. Aabot pa kaya sa akin ang tawag ng isang kaibigan? Malayo pa ang alas diyes.


“Batch, batch nasaan ka na? Batch? Batch...”

4.6.15

Alak, Ulan, Papel

Alak, ulan, papel. Bumubuo ng aking gabi. Hindi ko alam kung anong mas ikakalungkot ko, yung iniwan na niya ako ng tuluyan o yung ibinibigay na katahimikan ng aking katabi. Kailangan ko lang naman ng salita, kahit anong salita. Dahil hindi ko alam kung anong unang mababasag, ako o ang katahimikan. Alam kong alam ng mga kaibigan kung paano palubagin ang aking loob. Sumuko na lang rin siguro sila sa akin. Hindi naman sila obligado sa aking pagngiti. Pero kailangan kong makarinig ng kahit simpleng, “Ayos lang yan”. Gusto kong maniwala na ayos lang yan, kahit hindi totoo. Ikatutuwa ko na lang na pinapatugtog sa lugar na ito ang mga kanta ng paborito kong banda. Ngunit sadyang malulungkot lang talaga ang awit ng paborito kong banda... saliw nilang sumasabay sa ulan, liriko ng kabiguang nilulunok ko kasabay ng alak, habang pilit na pilit kong tinatapos itong aking papel. Sa oras na matapos ito, saan na?

3.6.15

Hellweek Blues

Wala naman halos pinag-iba ang limang buwan sa isang linggo, isang araw at dalawampu’t isang minuto. Natuto lang akong magtanda. Ngunit hindi kailanman ako natutong makalimot, o mapagod, o magsawa. Mahal ko pa, oo. Pero ano ba naman ang sampung buwan para pagsayangan ko ng buong buhay? Masakit, oo. Pero kailangan pa ring bumangon sa umaga. Baka sakaling maidaan sa kape, sa kaibigan, sa musika. Hindi rin naman kasi makikita ang pag-asa sa ilalim ng kumot. Mamarapatin ko na lamang na huwag nang tangkain pang lapatan ang dilim ng panibagong dilim, lalo lang akong hindi makakakita ng liwanag. Masakit, malamang. Kasi nga nagmahal. Natutulala paminsan-minsan. Namumugto ang mata, madalas. Dala ng mga luha ang katotohanan. Hindi ko ikinakaila sa sarili ko ang kalungkutan. Sa totoo lang, nakakatukso pa rin talagang magmukmok at magpakain na lamang sa gabok sa sulok ng aking kwarto. Sa totoo lang, ayoko na talagang gumising kinabukasan. Pero oo nga, bakit nga naman hindi ko subukang bumangon sa umaga?