Sabihan mo ako ng mga bagay na kung anu-ano. Kwentuhan mo ako ng basta-basta, tulad ng mga kwento ko sa'yo. Nais kong marinig lahat ng 'yong kababawan hanggang sa kalaliman at makita ang bawat kasuluksulukan ng kalawakan ng isip mo.
Bagalan nating maglakad. Ayaw ko pang umuwi.
Alam kong limang minuto na lang bago parang upos ng sigarilyong mauubos itong daan na tinatahak natin. Pero sa natitirang limang minutong iyon, ang alam ko lang ay ligaya. At ang daan, parang ulap at hindi baku-bakong semento.
Samahan mo lang ako kahit wala kang masabi. At samahan mo lang ako kahit marami akong gustong sabihin sa'yo pero pipiliin kong huwag na lang magsalita. Samahan mo ako hanggang ang limang minuto ay maging oras, araw, buwan... dekada. Samahan mo ako hanggang ang kahapon ay tuluyan nang malimot at ang hinaharap ay kaya nang harapin.
Bagalan nating maglakad. Ayaw ko pang umuwi.
Namnamin natin ang mga sandaling sabay ang sukat at bilis ng ating paghakbang. Dahil sa ganitong paraan, para na ring sabay ang tibok ng ating mga puso. Parang isang pyesang sabay tayo sa kumpas. Parang mga notang tama ang bagsak sa musikang singkopado.
Namnamin natin ang mga sandali dahil kahit na hindi pa natin pwedeng mahiram ang mga palad ng isa't isa, alam ko naman na sa atin ang mga natitira pang segundo bago ako pumanhik sa dyip na nag-aabang. Bago ko baunin sa pagtulog ang alaala mong naglalakad palayo hanggang sa hindi na kita makita.
Bagalan nating maglakad. Ayaw ko pang umuwi.
Ayaw pa kitang umuwi.
Dito muna tayo. Dito muna ako, kahit sa gilid lang ng utak mo. At dito ka muna, kahit sa hagip lang ng gilid ng aking mata. Dito muna tayo, sa mga panakaw na sulyap at mga hiram na sandali. Dito muna tayo, sa hindi umaasa. Para hindi na naman mabigo. Dahil dito sa kung saan may ikaw at ako, kahit walang tayo, maituturing ko pa ring ako'y nakauwi na. At sana, ikaw rin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento