24.7.14

Ang Ikaapat sa Tatlong Gabing Karamay Ka

Mahirap pala maiwang mag-isa
Sa lilim nitong munting kandila.
Lalo’t parang kagabi lamang ay
Narito ka.

Kay lawak nga ng aking bintana
Mga bitwin nama’y hindi alintana.
At ang nanunuot lamang sa wagas na kalangitan
Ay tanging nagngangalit na ulap na abuhan.

Sa kuna kong katreng malamig,
Kahapon may tawa pang naririnig.
Ngayo’y huni na lamang ng mga kuliglig
At kalampag ng bote ng alak sa sahig.

Bawat usok na sumayad sa aking kamay,
Mapait ang impit na dulot sa pagbuga.
Masarap sana kung mayroon pa ring karamay
Sa pag-ubos nitong aking kaha.

Saglit na lang bago mapagtunawan itong mitsa.
Sana, sana lamang ay narito ka pa.
Nang aking malimutan kung paano mag-isa
Sa lilim nitong munting kandila.



>Para kay Kian Beltran –isang kaibigang matalik, at sa mga masasayang alaalang naihatid ng mga lumilipad na yero, natumbang poste, picture frames na biglang mahuhulog sa mukha mo at ng matibay na puno ng niyog sa likod ng bahay ko. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento