30.7.14

Ang Kahapon Mo ay Siyang Bukas Ko Pa Rin

Ano ba itong kalungkutang hindi nabubura ng alak? Lango ka na’t lahat, nandiyan pa rin. Nananalangin na lang ako sa basong nag-uumapaw na sa pagpawi niya sa aking katinuan ay kunin na rin niyang sabay ang masalimuot kong alaala. Matapos nito’y uuwing basagan at pa-krus na tatahakin ang landas na talaga namang tuwid. Ito’y gasgas kong estilo sa pagtakas sa anino ng nakaraang nagmamay-ari ng mga yabag na siya pa rin namang nauulinigan ko sa aking likuran tuwing ako’y uuwi; at sa aking pag-idlip ay bubungad pa rin naman ang kaniyang mukha. Bawat paggising ay panibago na namang pakikibaka sa nanunuot na pait. Nakakapagod rin pala.

Ilang pahina pa ba sa kalendaryo ang hihintayin kong mapilas hanggang ang luha ay tumigil sa pagdanak? Ilang buwan pa kaya ang bibilangin, taon, dekada? Ilang tagay, ilang bote, hanggag sa tuluyan ko nang isuka ang poot na nananalaytay sa aking sistema? Nakakasuya nang pumikit gabi-gabing nagbabakasakali lamang na baka bukas ay darating muli ang ligaya; nakakasuyang maghintay, nakakasuyang manlaban sa kalungkutang bumabalot sa bawat umaga. O pusong pinugaran ng puspos na pangungulilang hindi ko layuning kunsintihin, huwag ka na sanang tumibok kung ako’y bubuhayin mo lamang sa sakit. Nasasabik na akong ngumiti nang hindi nagkukunwaring ako’y masaya. Sa hinaba-haba nitong aking paghihintay, kailan pa?

Alam kong kailanma’y hindi na siya magbabalik. Ang sa akin lang ay hindi pa rin ako tapos magluksa sa kaniyang pag-alis. Tahimik siyang lumisan sa gitna ng aking paghimbing, isang pamamaalam na walang anumang bakas o pagbatingaw ngunit ramdam ko hanggang sa kaibuturan ng aking kaluluwa. Pero sa kabila ng lahat, sa pagitan ng aking mga hikbi ay obligado pa rin akong huminga kahit pa sabihin kong wala na naman itong silbi. At kung hindi man ako makabangon sa aking pagkakadapa ay obligado pa rin akong gumapang na lamang. Dahil iyon ang hinihingi ng panahon. Marahil ay hiningi rin ng panahon na kami’y magkawalay. Sa mga pagkakataong hindi sinasadya, maaari rin palang maging obligasyon ang tumalikod sa mga taong pinahahalagahan natin. At kung hindi ko maturuan ang aking utak na kalimutan siya ng sapilitan, marahil itong pusong nananatiling umiibig ang siyang dahilan.

Kung gayon, hindi pala talaga kalungkutan ang hindi mabura-bura ng alak. Pag-ibig pala ito, na siyang pinag-ugatan ng kalungkutan. At habang ang patuloy na sumasalubong sa aking paggising ay mga umagang may kalakip na pait, sumasalamin lamang ito sa isang pusong hindi kailanman lumimot na makaalala. Hindi ko alam kung ano ba ang mas unang mauubos, ang mga pahina ng kalendaryo o itong pag-irog na lubos? At ang pag-irog, aabot kaya ito ng taon, dekada o ng hindi masukat na habangbuhay? Ang kinakatakot ko lamang ay paano kung may dumating pang isang mas magmamahal sa akin at nananatili pa rin akong bihag ng nakalipas na ala-ala? Ngunit kung dumating nga iyon at matagumpay niyang napawi ang lungkot, poot pati na ang pagmamahal, nangangahulugan lamang iyon na ako muli ay malaya na. Iyon lamang ay kung magagawa niya talagang palayain ako.


Bago pa man dumating ang pagkakataon na iyon, ang alam ko lamang sa kasalukuyan ay ang kabuuan ng aking gunita'y mananatili pa ring nakalaan sa iisang tao lamang. Ito’y hindi dahil sa kinunsinti ko ang puspos na pangungulilang namumugaran sa aking puso, kundi dahil hahayaan ko na lamang na ang puso ko ang magdikta. Hahayaan ko na lamang na ang puso ko ang kumalimot, dahil siya rin naman ang nagsimulang magmahal. Ang tao ay hindi kailanman nasanay sa lungkot. Kailangan lang niyang himukin ang sariling obligado siyang mamuhay ng dala-dala ito. Kung hindi ko na maibabalik pa ang batang ako na dati rati’y laging masaya, siguro ito’y dahil ang batang iyon ay kailangan nang tumanda at mamulat sa masalimuot na realidad. At sa pagitan ng aking mga hikbi ay ako’y humihinga, ako’y gumagapang; ngunit sa aking paghikbi, paggapang at patuloy na paghinga, siya’t siya pa rin ang aking pinanghahawakan... para sa lahat, ang aking natatanging dahilan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento