5.8.15

Ano'ng Trip ng Kalawakan? Part III

Sabi sa kanta, “Can we pretend that airplanes in the night sky are like shooting stars? I could really use a wish right now.” Bakit kaya hindi na lang niya tiyagaing maghintay ng totoong shooting star? Mas astig kaya makakita ng shooting star kaysa sa airplane. Isa pa, tulad ng airplanes, marami ding dumadaan na shooting stars sa langit araw-araw. (Oo, kahit may araw meron pa ring shooting star. Pero mas makikita lang natin sila kapag gabi.) Mahirap nga lang silang tiyempuhan. Magugulat ka na lang na biglang may liwanag na guguhit sa langit at bigla ring mawawala after a split second. Tapos matatanga ka. Makakalimutan mong magwish minsan. Boom, tanga. ‘Yun siguro yung nangyari sa kanta. Gusto niya, sa airplane na lang magwish kasi mas mabagal yung airplane.

Pero bakit kaya nagwiwish yung iba sa shooting star? Bakit sila naniniwala na matutupad ‘yun? Mamaya, kasama pang mamatay ng shooting star yung mga pangarap nila. Pero ewan ko. Sabihin na nating primitibo at walang scientific basis pero wala rin naman sigurong mawawala kung magwiwish sa shooting star. Mabuti nga, may pinaghuhugutan pa sila ng pag-asa. Mabuti nga, may pinaniniwalaan pa sila. Ako, humihiling din ako sa mga shooting star. Wala lang. Trip ko eh, walang basagan. Minsan, nagbibilang ako ng maraming shooting stars hanggang sa wala na akong mawish. Minsan, isa lang hinihiling ko. Paulit-ulit hanggang mapagod na akong maghintay ng shooting star. Minsan, iniisip ko na sana mas madilim pa yung gabi para mas makita ko yung mga bitwin. Nakakatuwa lang din kasi isipin na kahit gaano pa kagulo dito sa Earth, kapag tumingin ka sa langit, sobrang kalmado ng lahat. Kahit nga yung kidlat, nakakatakot pero maganda tignan (as long as nasa langit lang siya). Pero hindi ko lang alam kung bakit sa dinami-dami ng celestial beings, sa stars pa napili ng iba magwish. Bakit hindi na lang sa moon? O sa Mars? O sa clouds?


Siguro, wala namang pinag-iba kung magwish ka sa shooting star, o sa wishing well, o sa wish stick, o dun sa maliit na puting mabalahibong halaman na galing sa damo tapos ‘wish’ din ang tawag tapos lumilipad na lang ‘yun bigla sa hangin tapos sasaluhin mo tapos magwiwish ka tapos hihipan mo ulit sa hangin. Basta naniniwala akong kahit saan ka man magwish, may makikinig at makikinig sa bulong ng puso mo. Pwedeng engkanto, multo, pwedeng si Adonai o si Thor. Pwedeng yung parents mo o yung kapitbahay mong gossiper. Basta wish lang ng wish at patuloy ka ring maniwala, libre at unli naman yan. Kaya wala rin sigurong problema kung piliin na lang ni Haley na sa airplane magwish, trip niya ‘yun eh. Sa huli, pare-pareho lang naman tayong humihiling sa kalawakan... kahit hindi natin lubos na naiintindihan kung ano talagang trip nito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento