Tumambad sa akin
itong sampung pisong punit
Na tila inilagak
sa gabok ng kahapon.
Papel, may mga
mukhang nakangiting pilit,
Guri-guri’t
tuluyan nang nilisan ng lutong.
Sa likod ng
dungis ay may nagtatagong nilalang,
Pamilyar sa
lahat ang wangis at ang ngala’y matunog.
Ngunit wala nang
higit pang pagkakakilanlan
Maliban sa
siya’y isang bayaning lumpo.
Naisip kong
araw-araw, may bayaning namamatay
Sa bawat baryang
tahasang nilulustay.
At ang bawat
dinadaan-daanang monumento
Ay sagisag ng
nasayang na semento.
Sampung pisong
pantawid sa kalam ng sikmura
Ay sampung
pisong simbolo rin ng alaala
Ng lalaking nakaukit
sa matayog na istatwa
Na siyang
nagwaksi sa mapanakop na kadena.
Sampung pisong
punit pambayad sa tiga-tugtog
Ng punebre para
sa lupang kumalimot sa mukha
Na minsang
kumumot sa lupa ng sarili niyang dugo
At tahimik na
tumanod sa naaaping dukha.
Bayaning lumpo,
ang bantayog mo’y nasaan?
Tila yata
nalimot na ang iyong adhika na
‘Di rin naman
kailangang madaplisan ng bala sa balat
Para lamang sa
bansag na ‘dakila’.
Hindi araw-araw
ay may bayaning iniluluwal,
Kaya’t marapat
lang na magpugay at ating gunitain
Na baldado pa
rin marahil ang lupang sinilangan
Kundi dahil sa
bayani sa sampung pisong punit.