23.10.14

Ang Bayani sa Sampung Pisong Punit

Tumambad sa akin itong sampung pisong punit
Na tila inilagak sa gabok ng kahapon.
Papel, may mga mukhang nakangiting pilit,
Guri-guri’t tuluyan nang nilisan ng lutong.

Sa likod ng dungis ay may nagtatagong nilalang,
Pamilyar sa lahat ang wangis at ang ngala’y matunog.
Ngunit wala nang higit pang pagkakakilanlan
Maliban sa siya’y isang bayaning lumpo.

Naisip kong araw-araw, may bayaning namamatay
Sa bawat baryang tahasang nilulustay.
At ang bawat dinadaan-daanang monumento
Ay sagisag ng nasayang na semento.

Sampung pisong pantawid sa kalam ng sikmura
Ay sampung pisong simbolo rin ng alaala
Ng lalaking nakaukit sa matayog na istatwa
Na siyang nagwaksi sa mapanakop na kadena.

Sampung pisong punit pambayad sa tiga-tugtog
Ng punebre para sa lupang kumalimot sa mukha
Na minsang kumumot sa lupa ng sarili niyang dugo
At tahimik na tumanod sa naaaping dukha.

Bayaning lumpo, ang bantayog mo’y nasaan?
Tila yata nalimot na ang iyong adhika na
‘Di rin naman kailangang madaplisan ng bala sa balat
Para lamang sa bansag na ‘dakila’.

Hindi araw-araw ay may bayaning iniluluwal,
Kaya’t marapat lang na magpugay at ating gunitain
Na baldado pa rin marahil ang lupang sinilangan
Kundi dahil sa bayani sa sampung pisong punit.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento