2.10.14

Ikatlong Palapag

Ikatlong palapag, sa may kaliwa.
Hindi sa bukana, hindi rin sa dulo.
Medyo may pagkaalanganin.
Pintuang hindi nagbubukas.
Limang piso’t bentsingko kada tambay.
Maligamgam na kape.
Makunat na kaibigan.

Pundido ang ilaw.
Nagbabagang upos sa balat
Ng nagkukumahog na mangmang.
Mapurol na panulat, papel na gusot.
Magpigil ka muna ng ngiti,
Bukas na tayo magkuwentuhan.
Sa silyang tatatlo ang paa, uupo.
Saka iikot ang mundo.

Magliliha ng utak,
Manganganak ng pilosopiya,
Magbabasag ng paniniwala,
Magbabatuhan ng tanong.
Kailangan ko pa bang isipin iyan?
Gusto ko nang umuwi.
Teka---

Dito nga pala ako nakatira.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento